Bulacan solon humingi ng paliwanag sa P1.850-B inutang ng pamahalaang panlalawigan

MANILA, Philippines - “Saan napunta ang P1.850 bilyon na inutang sa Philippine National Bank noong 2012 at 2013?”.

Ito ang tanong ni Bulacan Rep. Joselito ‘Jonjon’ Mendoza sa pamahalaang panlalawigan para sa sari-saring proyektong pang-imprastraktura sa ginanap na media forum sa Kapihan sa Diamond Hotel.

Nais ni Mendoza na magbigay paliwanag si Bulacan Governor Wilhelmino Alvarado tungkol sa kung anong proyekto na ang natapos o nasimulan dahil sa walang malinaw na pruweba o paliwanag ang pamahalaang panlalawigan sa pinagkagastusan ng nasabing halaga.

Sinabi ni Mendoza, na naging gobernador din ng Bulacan, na dapat ay para sa mga silid-aralan, kalsada, multi-purpose halls at iba pang kahalintulad na proyekto gagastusin ang pondo.

Anya, ang  malungkot nito  ang mga Bulakenyo ang magbabayad ng P1.850 bilyon na aabot ng P4 bilyon sa loob ng 15 taon sa ilalim ng kasunduan ng bangko at ng pamahalaang panlalawigan dahil sa interes pa lamang ay P178 milyon na buwan-buwan ang bubunuin ng mga mamamayan ng Bulacan.

Idinagdag pa ng kongresista na dapat magpaliwanag din si Alvarado kung anong aksyon na ang ginawa nito sa ulat ng Commission on Audit (COA) na may 2,510  kaduda-duda umanong transaksyon ang pamahalaang panlalawigan noong 2012 na nagkakahalaga ng P645 milyon na hindi malinaw kung kailan eksakto dineliber ang mga binili, anong brand at ano ang specifications ng mga ito.

 

Show comments