MANILA, Philippines - Napatay ng tropa ng pamahalaan ang 12 pang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kabilang ang kanilang lider na si Yusoph Abesalih alyas Commander Bisaya noong Marso 29.
Si Commander Bisaya ay sangkot umano sa pagmasaker sa 44 Special Action Force (SAF) commandos na nakorner sa bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Pio Gregorio Catapang Jr., bukod sa napatay na BIFF ay nasugatan din ang nasa 14 BIFF habang dalawa naman ang nadagdag na sugatan sa hanay ng mga sundalo.
Sa panig ng AFP, sampung sundalo ang namatay at mahigit 30 ang nasugatan.
Ang bakbakan ay sumiklab dakong alas-9 ng umaga sa Brgy. Malangog, Datu Unsay at bandang alas -9:50 naman ng umaga sa Brgy. Pamalian, Shariff Saydona; pawang sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakasagupa ng Army’s 6thScout Ranger Company sa pamumuno ni Captain Blas Alsiyao ang grupo ng BIFF rebels sa pamumuno ni Comander Bungos na nasundan naman ng panibagong bakbakan.
Matapos na maiskoran at mapababa na ng mahigit 50% ang puwersa, inihinto na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang all out offensive laban sa mga rebeldeng BIFF sa Central Mindanao na kung saan ay nasa 151 BIFF ang nasawi at 65 ang nasugatan habang 12 pa ang nasakote simula noong Pebrero 21.
Gayunman, aminado si Catapang na nabigong masakote ang wanted na teroristang si Abdul Basit Usman matapos itong makatakas sa SPMS (Salvo, Pagatin, Mamasapano at Shariff Aguak) area.