MANILA, Philippines - Napahamak pa ang isang lalaki sa pag-awat sa kaibigan na nagwawala nang pagbalingan siya ng galit nito at walang habas na pinagsasaksak sa katawan kahapon ng madaling araw sa Madaluyong City.
Ang biktima ay kinilalang si Joel Hizon, helper ng #34 Dansalan St., Barangay Malamig, Mandaluyong City na bago nalagutan ng hininga ay nagawa pa niyang banggitin na ang kaibigang si Reynold Bediasay, 22, alyas “Noynoy,” tubong Samar at residente ng #171 Sheridan St., Barangay Buwayang Bato, Mandaluyong City ang sumaksak sa kanya.
Bago nangyari ang pananaksak sa biktima dakong alas-2:00 ng madaling araw ay kainuman nito ang suspek at iba pang kasama sa Madison Square, Sheridan St., Brgy. Buwayang Bato na sa sobrang kalasingan ay naghamon ng away sa ibang kustomer ang suspek.
Inawat ito ng biktima upang hindi mapahamak at humingi ng depensa sa ibang kustomer kaya’t inilayo ang suspek sa lugar ng inuman.
Paglabas ay pinagbalingan ng galit at pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng suspek ang biktima.
Bagama’t sugatan ay nagawa ng biktima na makabalik sa Madison Square at humingi ng tulong sa naiwang kabigan na si Condimina na siyang nagsugod sa Mandaluyong City Medical Center at bago nalagutan ng hininga ay nasabi nito na si ‘Noynoy’ ang sumaksak sa kanya.
Inaresto ng mga otoridad ang suspek sa isang follow-up operation na ngayon ay nakapiit sa Mandaluyong Police Detention Cell at nahaharap sa kasong murder.