MANILA, Philippines – Nauwi sa trahedya ang masayang pagsu-swimming ng mga biktima bilang selebrasyon sa graduation matapos na masawi ang isang lolo at apat na apo matapos tumaob ang sinasakyang nilang bangka nang balyahin ng malalaking alon habang pauwi sa kanilang mga bahay kamakalawa sa Davao City.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Antonio Echavez, 63; at mga apo na sina Justin Kirk Intod, 3; Morren Intod, 5; Carl Vincent Intod; at Rafael Oros, 3, pawang residente ng Muslim Village, NHA Bangkal sa Davao City.
Nakaligtas naman ang bangkerong si Roland Ratayan, 32 at ang apat pang bata na nasagip ng dumaraang pumpboat na kinilalang sina Kissa Fait Mata, 3; Massfer Mata, 10; Ryza Jane Amado, 7 at Rizza Joy Oros, 10.
Batay sa ulat, dakong alas-4:00 ng hapon ay pauwi na galing sa paliligo ang mga biktima sa Seagull Punta Dumalag sa Matina Aplaya lulan ng bangka.
Habang nasa kalagitnaan ng NHA Bangkal ay binalya ng malalaking alon ang bangka bunsod upang tumagilid ito at pasukin ng tubig at lumubog.
Ang insidente ay naganap tinatayang may ilang metro na lamang sa aplaya sa tinitirhan ng mga biktima sa tabing dagat.
Narekober ang bangkay ng limang biktima nang lumutang sa dagat ilang oras matapos na tumaob.