2 kelot binistay ng bala

MANILA, Philippines - Dedo ang dalawang lalaki nang pagbabarilin ng umano’y dalawang gunman, kamakalawa ng hapon sa lungsod ng Malabon.

 Ang biktimang si Francis Frasdilla, 54, residente ng Sanadama Letre Flovi Homes, Brgy. Tonsuya ay dead-on-arrival sa Pagamutang Bayan habang nalagutan naman ng hininga sa Tondo General Hospital dakong alas-6:30 ng gabi si Pedro Bribon, 67, welder at residente rin ng naturang lugar.

 Blangko  naman ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen.  Sa ulat ng pulisya, magkakausap ang mga biktima kasama si Elena De Vera sa Phase 5 ng Flovi Homes dakong alas-3:30 ng hapon nang sumulpot ang mga suspek at agad na pinagbabaril si Frasdilla.

 Nagawa namang makatakbo si Bribon ngunit hinabol at pinagbabaril din ng mga suspek at agad na tumakas.  Hindi naman nagalaw sa insidente si De Vera.

 Mabilis rumesponde ang pulisya at  nagsagawa ng follow-up operation ngunit bigo na masakote ang mga suspek. Nakuha mula rito ang walong basyo ng bala mula sa cal. 45 at tatlong basyo ng bala rin mula sa .9mm na baril.

Patuloy ngayon na isinasailalim sa imbestigasyon ang insidenteng ito.

Show comments