MANILA, Philippines - Pinangunahan nina QC Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte ang programa na pagkakaroon ng malulusog na mga sanggol sa lungsod mula sa sustansiyang makukuha sa gatas ng ina.
Ang pagkakaroon ng QC Human Milk Bank ay unang naaprubahan ng QC Council para makapagbahagi ng gatas ng ina sa mga sanggol na nasa kritikal na kalagayan.
“May mga ina na hindi makapagbigay ng kanilang gatas at para mapunan ang kailangang sustansiya ng isang sanggol mula sa gatas ng ina ay maibibigay ito sa kanila ng Milk Bank” wika ni Bautista.
Ayon naman kay Belmonte na ang programa ay naipatupad upang maabot ang hangarin ng QC government na maisulong ang breastfeeding ngayong 2015 para sa kalusugan ng mga sanggol.
“Ang milk bank po ay nagkakaloob ng libreng gatas ng ina para sa mga sanggol hindi lamang sa mga taga QC kundi pati na rin sa iba pang nangangailangan nito mula sa mga karatig lugar at sa tulong at suporta na rin ng mga inang mayroong maraming gatas ay libre rin po nila itong naibibigay sa milk bank” dagdag ni Belmonte.