Mayor Binay nagpasalamat kay De Lima sa paglilinaw ng TRO
MANILA, Philippines - Pinasalamatan ng kampo ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay si Justice Secretary Leila De Lima nang linawin nito na isang “advisory” o pagpapayo lamang ang kanyang ibinigay na legal opinion sa isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) sa suspensyon sa nasabing punong lungsod.
Ang pahayag ni De Lima na nalathala sa mga pahayagan ay nagsabi ito na ang kanyang ibinigay na legal opinion ay hindi maituturing na hatol at dapat sundin ng lahat.
“It does not purport to adjudicate or bind anyone. It is an opinion. It is advisory in nature,” sabi ni De Lima sa kanyang pahayag.
Kaya’t sinabi ni Councilor Mayeth Casal-Uy, wala na dapat dahilan para magmatigas si DILG Secretary Mar Roxas at si Vice Mayor Kid Peña na siya ay acting mayor ng lungsod.
“Nagsalita na po si Secretary De Lima. Nagpapayo lang sya. Yun ay opinyon lamang niya at hindi binabago ang hatol ng hukuman at nagpapasalamat po kami sa paglilinaw kaya’t panahon na para itigil na ng DILG ang pagmamatigas nila at sumunod sa hukuman upang magkaroon nang ganap na katahimikan sa lungsod.” pagwawakas ni Uy.
- Latest