19 nasugatan... 2 bebot todas sa counterflow

MANILA, Philippines - Idineklarang dead-on- arrival sa pagamutan ang dalawang babae habang 19 pasahero ang nasugatan matapos na sumalpok ng sinasak­yan nilang Toyota Hilux na nag-counterflow sa kasalubong na pampasaherong jeep sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. San Agustin 1, Dasmariñas City, Cavite kamakalawa.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Amelia Punzalan at Haidee Farol, kapwa nasa hustong gulang at residente ng # 56 Sgt. Esguerra St., South Triangle, Diliman Q.C.

Iniimbestigahan naman ang driver ng Hilux na si Ivan Punzalan, ng Meycauyan, Bulacan at driver ng pampasaherong jeep na si Meliton Montenegro ng Lemery, Batangas.

Batay sa ulat, dakong alas-12:00 ng tanghali ay mabilis na  bumabagtas sa nasabing highway ang pampasaherong jeep (DXR-626) na minamaneho ni Montenegro at  nagkataon naman na sumalubong o nag-counterflow ang mabilis din na takbo ng Hilux (TLI-692) na minamaneho ni Punzalan sakay ang ilang pasahero kabilang ang dalawang namatay.

Dahil sa kapwa mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan ay nagkaroon nang head on collission at napuruhan ang dalawang babae na sakay  ng Toyota  Hilux habang nasugatan ang 19 pasahero ng jeep.

Patuloy na pinag-aaralan ng pulisya kung sino sa dalawang driver ang dapat managot sa aksidente.

 

Show comments