MANILA, Philippines – Sa patuloy na all out offensive ng tropa ng pamahalaan ay umaabot na sa 139 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasawi, 53 ang sugatan habang 12 pa ang nasakote sa Central Mindanao.
Sa pahayag ni AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col. Harold Cabunoc na ang nasabing bilang ay naitala simula nang maglunsad ng all out offensive ang puwersa ng gobyerno laban sa BIFF noong Pebrero 21 hanggang kahapon.
Sa panig ng tropang gobyerno, anim ang sundalong nasawi habang mahigit naman sa 30 ang nasugatan.
Umaabot naman sa mahigit 100,000 ang bilang ng mga evacuees na nagsilikas sa kanilang mga tahanan sa Maguindanao sa takot na maipit sa bakbakan ng mga sundalo at ng BIFF.
Tiniyak naman ni Army’s 6th Infantry Division Chief Major Gen. Edmundo Pangilinan ang seguridad ng mga estudyanteng magsisipagtapos, kanilang mga magulang at mga guro para sa graduation ceremonies ng 39 paaralan sa elementarya at high school na apektado ng bakbakan kung saan aabot sa 16,361 ang mga estudyante.