MANILA, Philippines – Bagama’t hindi kapanipaniwala ay pabor ang bagong hepe ng PNP-Special Action Force (PNP-SAF) na imbestigahan ang nasa 120 SAF commandos na inakusahang hindi nagresponde sa napapalaban nilang mga kasamahan kaugnay ng madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao.
Ito ang sinabi ni SAF Commander Chief Supt. Moro Virgilio Lazo, bilang reaksyon sa sinabi kamakalawa ni Senador Antonio Trillanes IV na nais maimbestigahan ang nasa 120 SAF commandos na hindi nag-reinforce o tumulong sa napapasabak nilang mga kasamahan sa 84th SAF Seaborne Company at 55th SAF company sa engkuwentro.
Magugunita na noong Enero 25 ay nagkaroon ng madugong bakbakan sa pagitan ng SAF troopers at ng pumintakasi sa mga itong nagsanib puwersang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao, alinsunod sa inilunsad na Oplan Exodus upang arestuhin ang Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan, may patong sa ulong $5M at Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman, may reward na $2M, isang bomb expert.
Sa pahayag ni Trillanes, na ang nasabing impormasyon ay nabatid niya sa executive session ng Senado na nag-imbestiga sa Mamasapano clash mula sa ilang mga opisyal ng AFP na tumestigo.
Sinasabing nasa mahigit 300 SAF commandos na kasamahan ng mga sumabak sa bakbakan ay nagre-relax lamang sa kalye, kumakain sa carinderia at nasa sagingan, ang iba pa raw ay nagte-text pa sa kabila nang patuloy umanong putukan.
Ang 120 SAF commandos ay may ilang metro lamang ang layo sa kanilang mga kasamahan na nakikipagbakbakan sa MILF at BIFF rebels.