MANILA, Philippines – Buhay ang naging kabayaran nang pagbibiro ng isang 18-anyos na binata matapos siya ay saksakin ng boardmate na napikon sa biro nito na pagpatay ng ilaw sa banyo kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Namatay noon din ang biktima na kinilalang si John Michael Buagas, dahil sa tinamong saksak sa kilikili, tubong Tuguegarao, Cagayan. Habang ang suspek na agad naaresto ay kinilalang si Ronald Lampines.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-7:20 ng gabi sa inuupahang kuwarto ng biktima at suspek sa #1228 Lourdes St., Fatima Subdivision, Barangay Zapote ng naturang lungsod ay nag-iinuman ang mga ito kasama ang pinsan ng biktima na si Christopher Lubugin, 23.
Tumayo si Lampines para magbanyo, subalit sumunod ang biktima at pinatay ang ilaw na ikinagalit ng una.
Nagkaroon ang dalawa nang mainitang pagtatalo hanggang sa nakakuha ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa kilikili ng ilang ulit.