MANILA, Philippines – Inilabas kahapon ni Malolos Regional Trial Court (RTC) Branch 83 Judge Guillermo Agloro ang temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa pagpapatuloy ng verification ng mga lagda sa petisyon para sa recall election laban kay Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado dahil sa premature ang naging pagdulog ng huli sa korte.
Kasabay nito, nag-utos naman ang Office of the Deputy Executive Director for Operations ng Comelec na agad nang ipagpatuloy ang verification.
Kung mayroon mang depekto sa pagpapalabas sa mga pahayagan ng Comelec resolution na nagpapahintulot sa verification tulad ng argumento ni Alvarado, pinuna ng hukuman na isinaad ng Comelec na maaaring solusyunan ito oras na matapos ang verification at mapatunayang supisyente ang petisyon.
Ayon sa hukuman, sa ilalim ng doktrina ng exhaustion of administrative remedies, maaari lamang dumulog sa husgado ang isang tao kapag lahat ng posibleng remedyo sa kaniyang hinaing laban sa isang tanggapan ay naubos na.
Pinaglaban din ni Perlita Mendoza, recall petitioner na walang jurisdiction ang husgado sa pagpigil sa verification, sapagkat ang proseso ay pagsunod lamang sa utos ng buong Comelec na isagawa na ito.
Nanaig din ang argumento ni Mendoza na hindi nalabag ang karapatan ni Alvarado sa due process sa verification dahil sa pagsasagawa ng beripikasyon ng lagda ng 319,707 na petitioners.
Dahil sa pag-alis ng TRO, umapela si Mendoza kay Alvarado na hayaang matuloy ang beripikasyon upang kanyang mapatunayan sa mamamayan ang lahat ng kanyang alegasyon sa mga Bulakenyo tungkol sa umano ay palsipikadong pirma.