MANILA, Philippines - Ipatutupad ni QC Vice Mayor Joy Belmonte bilang chairman ng QC Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC) ang isang drug–free workplace sa lahat ng city government offices at barangay bilang bahagi ng kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa illegal drugs.
Pinanukala ni Belmonte ang pagkakaroon ng isang authorized drug testing para sa mga empleado sa QC hall at sa 142 barangay sa lungsod. Ito ay alinsunod sa probisyon at mga regulasyon ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Bukod dito, dalawang resolusyon ang inaprubahan na ni QC Mayor Herbert Bautista na nagpapahintulot kay Belmonte na makipagkasundo sa pagitan ng mga colleges at universities sa QC na magsagawa ng preventive education seminars para sa mga mag-aaral na kumukuha ng National Service Training Program (NSTP) at sa National Reference Laboratory for Environmental and Occupational Health, Toxicology at Micro-Nutrient Assay ng East Avenue Medical Center para sa drug testing services sa mga opisyal at empleado ng QC hall at barangays.
Sa record ng QCADAAC, 919 tauhan mula sa mga barangay ang sumailalim na sa mandatory drug test noong 2014 at mga empleado sa Department of Public Order and Safety (DPOS) at Business Permits and Licensing Office at ang iba ay nakatakda rin ngayong taon.