MANILA, Philippines – Namatay noon din ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos itong ma-trap sa loob ng nasusunog nilang bahay sa Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City, Cavite.
Ang nasawi ay kinilalang si Emmanuel Ocampo, Grade 1 pupil, residente ng Blk. 19, Lot 3, Barcelona St., Summer Meadows, ng nasabing barangay.
Batay sa ulat, alas-12:30 ng tanghali ay katatapos lamang mananghalian ang biktima kasama ang nanay nito na si Isabelita Ocampo, 62.
Saglit na lumabas ng bahay ang nanay at pagbalik niya ay nakita nitong malaki na ang apoy sa ikalawang palapag ng kanilang bahay kung saan nandoon ang anak na hindi nakalabas.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga karatig bahay na naapula matapos ang ilang oras.
Tinitingnan ng pulisya ang faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog dahil sa kakakabit lamang umano ng mga electrical wires sa nasabing bahay noong Lunes.