MANILA, Philippines – Pinuri ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang pagtutulungan ng pulisya at militar para madakip ang lider ng teroristang grupo na si Mohammad Ali Tambako at apat nitong kasama na sangkot sa pagpatay sa 44 kasapi ng Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero 25.
“Si Tambako ang Commander ng Justice for Islamic Movement (JIM) na break-away group ng BIFF, isang bagong sibol na terrorist organization, at ang apat na kasama niya ay pawang mga miyembro ng grupong ito.”
Ayon kay Roxas na sa pagkadakip kay Tambako, posibleng mabatid ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kung patay na o nasugatan si Abdul Basit Usman, isang bomb expert na target din ng SAF 44 sa Mamasapano.
“Ang pagkahuli sa kanila ay nagawa sa pagtutulungan ng AFP at PNP. Patunay ito na nananatiling matatag ang ugnayan ng dalawang organisasyon.” wika ni Roxas.
Samantala, bantay sarado na ngayon sa detention cell ng PNP-Criminal Investigation and Detection Groupp (PNP-CIDG) si Tambako at apat pa nitong kasamahan.
Pansamantala lamang mapipiit sa detention cell ng PNP-CIDG habang hinihintay pa ang commitment order’ ng korte kung saan ito ipipiit at apat nitong kasama na sina Datukan Sabiwang, Ali Ludisman, Mesharie Gayak at Abusahma Guiamil alyas Hansela Omar habang pinakalawan naman ang driver ng tricycle na sinakyan ng mga ito na nakilalang si Ibrahim Kapina.