MANILA, Philippines – Nasawi ang tatlong katao kabilang ang magkapatid habang apat ang nasugatan sa naganap na sunog sanhi ng naiwang upos ng sigarilyo sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay magkapatid na sina Reymel, 18; at Michele Perez, 20, at Kylie Servano, 3 pawang residente sa nasabing lugar.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Ronald Cabrera, 43; Rose Ann Servano, 24; Elena Cabrera, 64; Rosalie Servano, 43 pawang nagtamo ng pagkabali ng katawan at lapnos.
Batay sa ulat, dakong alas-12:00 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Julieta Latona, 59, sa may Margarita St., Nitang Avenue, Brgy. Gulod.
Ayon sa ilang residente, nauna rito isang malakas na pagsabog ang narinig mula sa lugar hanggang sa lumikha na ng usok at apoy.
At dahil gawa lamang sa kahoy ang bahay ay madali itong nilamon ng apoy hanggang sa tuluyang kumalat sa kalapit bahay nito.
Maayos na napasok ng mga bumbero ang lugar dahil may malapit na fire hydrant at may open space kaya madaling naapula ang apoy.
Umabot lamang ang sunog sa ikatlong alarma, bago tuluyang idineklarang fire out ganap na ala- 1:30 ng madaling araw.
Nang isagawa ang mopping operation, nadiskubre ang sunog na bangkay ng magkapatid na nakulong sa loob ng nasunog nilang bahay at ganun din sa bahay ni Kylie.
Tinatayang nagkakahalaga naman ng P200,000 ang halaga ng ari-ariang naabo.
Hinala ng arson investigator na ang napabayaang upos ng sigarilyo ang sanhi ng sunog.