MANILA, Philippines – Nakakadama ng tensyon at takot ang mga residente at kawani ng Makati City dahil sa pananatili sa City Hall complex ng mga armadong miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF).
Kinondena ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay ang tila batas militar at maging sa sariling interpretasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa batas sa halip na humingi ng paglilinaw sa korte.
Nanawagan ang alkalde kay DILG Secretary Mar Roxas na igalang ang temporary restraining order (TRO) ng Court of Appeals na pumipigil pansamantala sa pagpapatupad sa kautusan ng Ombdsman na nagsususpinde sa kanya sa tungkulin.
“Si Secretary Mar Roxas na mismo ang nagsabi na walang sino mang mas mataas sa batas. Totoo sana siya sa kanyang mga salita. Kung merong tanong ang DILG, dapat hingan nila ng sagot ang korte at huwag gumawa ng sarili nilang interpretasyon,” sabi ni Binay.
Napeperwisyo na ang mga residente sa nababalam na mga serbisyo bunga ng katigasan ng DILG na ipatupad ang maling suspension order ng Ombudsman at dapat sanang nakabalik na sa normal ang sitwasyon sa city hall kung hindi dahil sa hakbang ng DILG lalo na ang sobrang hindi kinakailangang pagpapakita ng puwersa gamit ang PNP na tila nasa ilalim ng quasi-martial law ang Makati.
“Inihalal ako ng mga mamamayan bilang kanilang alkalde sa nakaraang eleksyon. Hayaang igalang ang kanilang kagustuhan. Hindi namin mapapahintulutang mangibabaw ang interes ng ilang tao sa mandatong ipinagkaloob sa akin ng aming mga nasasakupan,” pagwawakas ni Binay.