MANILA, Philippines – Nasa kamay na ng Ombudsman ang pagdedetermina ng posibleng kasong kriminal na isasampa laban sa nagbitiw na si PNP Chief Director General Alan Purisima at nasibak na si Special Action Force (SAF) Chief P/Director Getulio Napeñas kaugnay ng madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 na ikinasawi ng 44 SAF commandos.
Ayon kay PNP Officer–in-Charge P/Deputy Director Leonardo Espina, binigyan na ng kopya ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang Office of the Ombudsman ng resulta ng PNP-Board of Inquiry report.
Bagaman may muto propio ang PNP-Internal Affairs Service at NAPOLCOM na isagawa ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal ay si Roxas bilang DILG Chief ang nag-utos nang pagbuo ng Board of Inquiry.
Inihayag ng opisyal na ang Ombudsman na ang posibleng tumukoy ng kasong kriminal at administratibo laban kina Purisima at Napeñas kaugnay ng pananagutan ng mga ito sa insidente.