MANILA, Philippines – Naaresto ng mga otoridad ang lider ng Justice for Islamic Movement (JIM) na si Mohammad Ali Tambako at apat iba pa sa isinagawang follow up operations sa Brgy. Calumpang, General Santos City.
Ang JIM ay breakaway group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nagkakanlong umano sa teroristang si Basit Usman.
Batay sa ulat, bandang alas-9:00 ng gabi nang maaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng Southern Mindanao Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), Intelligence Service Group, Task Force General Santos, 1002nd Infantry Brigade at General Santos City Police si Tambako at apat pa nitong kasamahan na sina Ali Ludisman, Abdusama Badrudin Guiamel, Datukan Kadiwang at isang alyas Ibrahim.
Nasamsam mula sa mga ito ang tatlong granada at baril na hindi na pumalag nang arestuhin.
Ang grupo ay tumakas matapos na ma-pressure sa inilunsad na all out offensive ng tropa ng militar sa Central Mindanao laban sa grupo ng BIFF na target ng artillery fires
Kahapon ng hapon ay lumapag sa Villamor Airbase ang eroplano ng Philippine Air Force sakay si Tambako at apat pang kasamahan nito.
Pawang nakasuot ng orange na t-shirt na may “CIDG Detainee,” na agad isinakay sa convoy ang anim, at inaantabayanan kung ididiretso sa Camp Crame o sa korte.
Sa naunang press conference ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nabanggit na ibiniyahe sa Maynila si Tambako para i-inquest.
Malaking dagok sa pinamumunuang grupong JIM ang pagkaaresto kay Tambako lalo’t nagsisimula pa lang ito.