MANILA, Philippines - Arestado ang umano’y abogado sa mga miyembro ng Land Transportation Office kaugnay sa ipinapatupad na anti-drunk driving drugged act sa lungsod Quezon.
Sa ulat ni PO3 Edward Rimando ng Quezon City Police Station 10, ang suspect ay nakilalang si Manuel Angelo Ventura III, 34, binata ng No. 7-C Matipono St., Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Si Ventura ay inaresto ng mga kagawad ng LTO Central Office matapos na malanghap na amoy alkohol ang una. Nabigo rin itong makapasa sa sobranity test, isang uri ng pagsusuri para malaman kung nakainom ng alak ang isang driver gaya ng pagpapalakad ng tuwid sa kalye.
Ang insidente ay naganap sa kahabaan ng Timog Avenue, kanto ng Sct. Torrillo, Brgy. Sacred Hearth, ganap na alas 11:30 ng gabi. Tiyempo naman na nagsasagawa ng operasyon ang LTO-NCR law enforcement unit sa nasabing lugar kung saan napadaan si Ventura sakay ng Honda City (UOK-808).
Nadiskubre rin na walang dalang lisensiya si Ventura kaya binitbit ito sa nasabing presinto. Kasong paglabag sa Republic act 10586 o anti-drunk driving drugged act of 2013 ang kinakaharap ngayon ni Ventura.