MANILA, Philippines - Nilabag nina Pangulong Benigno Aquino III; suspendidong PNP Chief P/Director General Alan Purisima at nasibak na si Special Action Force (SAF) Commander P/Director Getulio Napeñas ang chain of command sa pagpapatupad ng Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF commandos sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Lumalabas sa 120-pahinang Mamasapano report, simula pa lang ay depektibo na ang Oplan Exodus dahil sa kakulangan sa plano pero pilit pa rin itong inilunsad. Bukod pa sa pagbibigay ni PNoy ng go signal kay Purisima para pamunuan ang Concept of Operations (CONOPS) kahit na ito ay suspendido.
Naging depektibo ang mission planning sa Oplan Exodus dahilan sa mga sumusunod: poor analysis of the area of operation; (2) unrealistic assumptions; (3) poor intelligence estimate (4) absence of abort criteria; (5) lack of flexibility in its Concept of Operation (6) inaccurate application of TOT and (7) absence of prior coordination with the AFP and Ad Hoc Joint Action Group,” paglalahad sa report.
Pinairal din ni PNoy ang kanyang prerogatibo na makipag-ugnayan kay Napeñas sa halip na kay P/Dir. Leonardo Espina na siyang Officer-in-Charge ng PNP. Ito ay isang direktang pag-bypass sa umiiral na Chain of Command sa PNP-Fundamental Doctrine.
Paglabag naman sa suspension order ng Ombudsman ang ginawang pamumuno ni Purisima sa nasabing operasyon laban sa Jemaah Islamiyah (JI) international terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at ang Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman. Ang pagkaantala naman ng reinforcement troops ng Armed Forces of the Philippines ay bunsod ng umiiral na ceasefire agreement ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa peace talks.
Nilinaw pa rin sa report na tanging intelligence information at paggamit ng mga helicopter para sa evacuation ng mga sugatang miyembro ng SAF ang naging partisipasyon ng mga sundalong Amerikano at hindi maaaring sumali sa pagtugis sa nasabing mga terrorista.
Lumalabas din na sumunod si Napeñas sa utos ni Purisima na “Time on Target” at ipapaalam lang ang operasyon kapag sila ay nasa lugar na. Hindi rin nagbigay ng tamang impormasyon si Purisima kay PNoy sa pagpapadala nito ng text messages na nag-pullout na ang mga miyembro ng SAF at ito’y sinuportahan ng Mechanized at Artillery ng tropa ng military na pawang kasinungalingan lamang.