MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang pag-turnover ng 55 bagong Toyota High-ace Vans sa Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng kanilang capability enhancement program na ipapamahagi sa lahat ng units ng PNP sa buong bansa.
Ayon kay Roxas, ibabahagi sa mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang karamihan sa mga van dahil pangunahin nilang kailangan ang sasakyan tuwing may mga operasyon.
Ayon sa PNP, magiging malaki ang tulong ng sasakyan sa mga pulis lalo na sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, sa kanilang pagpunta sa iba’t ibang lugar, at sa agarang pagresponde sa mga insidenteng nangyayari sa buong bansa.
Bukod sa SOCO, makakatanggap din ng mga sasakyan ang mga direktor sa National Headquarters, pati ang mga national support units gaya ng Anti-Kidnapping Group (AKG), Anti-Cybercrime Group (ACG), Aviation Security Group (ASG), Crime Laboratory Group (CLG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nasa post-qualification stage na rin ang 1,470 bagong patrol jeepneys na nakatakdang idagdag ni Roxas sa mga sasakyang matatanggap ng buong PNP mula sa pamahalaan.