MANILA, Philippines – Dalawamput tatlong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at dalawang sundalo ang nasawi sa serye nang magkakahiwalay sa panibagong bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar sa Maguindanao kamakalawa hanggang kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat, simula nitong Martes ng alas-2:00 ng hapon ay 23 angBIFF members na napatay sa bakbakan sa hangganan ng Datu Salibo at Datu Piang.
Sinabi ni Lt. Col. Harold Cabunoc, Chief ng AFP Public Affairs Office na kanila nang na-validated ang pangyayari kung saan agad na inilibing ng BIFF ang mga nasawi nilang kasamahan alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim.
Nabatid na nakasagupa ng Army’s 1st Mechanized Infantry Battalion ang nasa 50 BIFF rebels sa Brgy. Pusaw sa hangganan ng Shariff Saydona Mustapha at Mamasapano na ang bakbakan ay tumagal hanggang ala-1:00 ng madaling araw kahapon.
Bukod sa BIFF kabilang pa sa target ng operasyon ay ang Pinoy bomb expert na si Abdul Basit Usman, limang pinaghihinalaang Jemaah Islamiyah (JI) terrorist at ang grupo ni Mohammad Ali Tambako, lider ng bagong sibol na teroristang grupo ng Justice for Islamic Movement (JIM) na umano ay siyang nagkakanlong kay Usman at limang dayuhang terorista.
Si Tambako ay dating lider ng BIFF na tumiwalag at nagtayo ng grupong JIM na ang grupo ay kabilang din sa target ng all out offensive ng tropang gobyerno sa Central Mindanao.
Sa tala ng militar, umpisa noong ilunsad ang all out offensive noong Pebrero 21 laban sa BIFF ay nasa 96 BIFF na ang napapatay, marami ang nasugatan habang anim naman sa mga sundalo ang nasasawi.