MANILA, Philippines - Nagsampa ng kasong graft sa Ombudsman si dating Nueva Ecija vice governor Edward Thomas Joson laban sa pork barrel scam whistleblower na si Marina Sula, Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali at isang Anota Tansipek matapos na magsabwatan sa umanoy maanomalyang pagbili ng mga de-boteng pataba at irrigation pumps.
Batay sa reklamo ni Joson, noong December 2005, si Umali na noon ay Congressman ay pumasok sa isang kasunduan sa pagitan ng Masaganang Ani para sa Magsasaka Foundation Inc. (MAMFI) na isang pekeng NGO ni Janet Lim Napoles na pinamamahalaan ni Sula para bumili at mamahagi ng pataba sa mga qualified farmer-beneficiaries ng distrito nito gamit ang kanyang PDAF.
Ginamit ng MAMFI ang P12-milyon para ipambili ng 7,920 botelya ng liquid fertilizers para sa mga umanoy napiling benepisyaryo ng proyekto ay ang bayan ng Gabaldon at General Natividad sa Nueva Ecija at ang bawat botelya ng pataba ay nagkakahalaga lamang ng P50.00 hanggang P150.00 pero ginawa umanong P1,500.00 kada botelya.
Ilang araw ang lumipas ay nakipagkasundo naman si Umali sa Samahan ng mga Manininda ng Prutas sa Gabi, Inc. (SMPGI) na pinangangasiwaan ni Tansipek para sa pagbili ng irrigation pumps na may halagang P3 milyon.
Umaabot lamang sa P40,000 hanggang P55,000 ang halaga ng diesel engine at water pump, subalit ang nailagay umano na halaga ay P120,000 bawat pares.