MANILA, Philippines - Sa patuloy na all out defensive ng tropa ng militar ay nasa 73 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napapatay kabilang ang isang hinihinalang dayuhang kasapi ng Jemaah Islamiyah at nasa 33 ang nasusugatan.
Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, Chief ng AFP Public Affairs Office na kabilang sa mga nasawi ay ang pinsan ni BIFF founder Ameril Umbra Kato.
Ang all out offensive laban sa BIFF ay inilunsad noong Pebrero 21 alinsunod sa ipinalabas na kautusan ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr.
Sa panig ng AFP ay apat na sundalo ang nasawi kabilang si Lt. Drommel Awman habang 29 naman ang nasugatan.
Si Awman at tatlo pa nitong kasamahang sundalo ay napatay sa bakbakan sa BIFF rebels kamakalawa sa Brgy. Muslim, Guindulungan, Maguindanao.