MANILA, Philippines - Nagbigay ng 72 oras na ekstensyon ang puwersang militar para magsagawa nang pagtugis at clearing operations laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Brig. Gen. Joselito Kakilala na ang 72 oras na ekstensyon ay hiniling ni 6th Infantry Division Major Gen. Edmundo Pangilinan para matiyak na malinis na sa BIFF ang mga bayan ng Shariff Aguak, Pagatin (Datu Saudi), Mamasapano at Salibo (Shariff Saydona).
Ang orihinal na 72 hour extension ay dapat sana ay magtatapos noong Sabado.
Ang pag-atake laban sa BIFF ay nagsimula noong nakaraang Feb. 25 nang simulang okupahan ng miyembro ng BIFF ang komunidad ng mga sibilyan sa Maguindanao at North Cotabato.
Naniniwala si AFP public affairs chief Lt. Col. Harold Cabunoc na demoralisado na ang BIFF dahil sa patuloy na pag-atake na ginagawa ng puwersa ng military sa nakalipas na linggo.