MANILA, Philippines - Kinansela umano ng pamahalaang Quezon City ang permit to rally ng PNP Academy Alumni Association Inc. kaugnay ng “March for Justice for SAF Fallen 44” mula Camp Crame, patungong Quezon City Memorial Circle na itinakda sana sa Marso 8.
Sinabi ni ret. Chief Supt. Tomas Rentoy III, PNPAAAI Chairman, ikinatwiran ng Quezon City government ang isyu ng seguridad sa pagkansela sa kanilang hininging permit para sa ‘march for justice’ sa SAF fallen 44.
Ang ikinasang sympathy walk ay lalahukan ng mga biyuda, pamilya at kaibigan ng SAF Fallen 44 commandos at maging ng iba pang mga grupong nagkakaisa para sa pagkakamit ng hustisya.
Ayon kay Rentoy, disiplinado ang kanilang grupo at bukod dito ay may itinalaga silang mga marshalls para maging maayos at mapayapa ang idaraos sanang rally na kung saan ay ipagbabawal nila ang mga anti-government slogans, anti-government banners.
Muling hihilingin ni Rentoy sa Quezon City government na ikonsidera ang desisyon para sila makapagdaos ng ‘sympathy walk’.
Inihayag pa ni Rentoy na ikinokonsidera rin nilang magdaos ng rally sa freedom parks alinmang lugar sa Metro Manila sakaling hindi ikonsidera ng Quezon City government ang kanilang petisyon para sa permisong makapag-rally.
Ang ikinasang sympathy walk ay kaalinsabay ng 44 araw ng pagluluksa para sa mga nasawing SAF commandos.