MANILA, Philippines – Pinagbabaril habang mahimbing na natutulog ang tatlong katao kabilang ang mag-live in partner sa loob ng kanilang bahay sa Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala ng kalibre 45 baril at 9mm sa ulo at iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ay kinilalang sina Ronadel Galvez, alyas Tonang 42; live-in-partner nito na si Nelson Obina, alyas Vic Vic, 43, at pinsang si Arnold Aninao alyas Nonoy, kapwa naninirahan sa Domingo St. Block 39 Welfareville Compound,
Brgy. Addition Hills sa lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-9:45 ng gabi sa ikalawang palapag na bahay ay mahimbing na natutulog ang mga biktima nang pumasok ang dalawang suspek at walang kaabog-abog na pinagbabaril. Habang nagsisilbing lookout sa ibaba ng bahay ang dalawa pang suspek.
Hinala ng pulisya na may kinalaman sa ipinagbabawal na droga ang pagpatay dahil may record ang mag-live in partner ng kasong drug pushing na una na ring nadakip ng mga otoridad at nakulong sa himpilan ng pulisya.