MANILA, Philippines – Isinusulong sa Kamara ang isang programa na magpapatupad ng murang renta sa bahay upang masolusyunan ang anim na milyong kakulangan sa pabahay.
Sinabi ni Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, chairman ng House Committee on Housing and Urban Development na kaya umaabot na sa anim na milyon ang Housing backlog sa Pilipinas ay dahil sa kawalan ng murang pabahay ng gobyerno.
Kaya upang mababawasan umano ang nasabing bilang ay kailangan ng mga Filipino na walang sariling tahanan ang isang programa na murang pabahay.
Sa panukala ni Benitez, kailangan ng ipatupad ang public rental scheme kung saan maaaring pagtayuan ng bahay ng gobyerno ang mga lupain na nakatiwangwang.
Nakasaad sa panukala ang long term public rental sa loob ng 10 hanggang 20 taon ng pangungupahan sa halagang P200 at P500 kada buwan sa lupa ng gobyerno ay siguradong makapagpupundar na ng sariling bahay ang mga Filipino lalo pa’t magkakaroon ito ng hanapbuhay.