MANILA, Philippines – Tinagubilinan ni Interior and Local Governmet Secreatry Mar Roxas ang bawat lokal na yunit ng pamahalaan ng bansa na magsagawa ng mga programang magbubunyi sa papel ng kababaihan sa pag-unlad ng bayan ngayong Marso bilang Buwan ng Kababaihan.
Ayon kay Roxas, may temang “Juana, Desisyon Mo ay Mahalaga sa Kinabukasan ng Bawat Isa, Ikaw Na!” ang bawat aktibidad, na tiyak na magpaparangal sa lahat ng mga kababaihang lider at buong pusong nagsusulong ng adbokasiya para sa kanyang kapwa babae sa pamamagitan ng kanyang liderato, pagpapasya, at pamamahala.
Kinikilala rin ng kalihim ang naging kontribusyon ng kababaihan sa pagsususmikap ng DILG para sa kaligtasan ng publiko, sa kahandaan sa oras ng sakuna, at sa pagsusulong ng mabuting pamamahala.
Inanyayahan ni Roxas ang lahat ng pinuno ng lokal na pamahalaan ng National Capital Region (NCR) at ang kanilang mga nasasakupan na lumahok sa simula ng pagdiriwang ng International Women’s Day sa Linggo, Maso 8 sa Maynila.
Idineklara ng Proclamation 224 at 227 ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan tuwing Marso, ang unang linggo bilang Women’s Week, at Marso 8 bilang Women’s Rights and International Peace Day. Ipinoroklama din ng Republic Act No. 6949 ang Marso 8 bilang National Women’s Day.