MANILA, Philippines – Sa unang araw ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso ay nasa 26 pamilya ang nawalan ng tirahan habang isa ang nasawi sa naganap na sunog kahapon ng madaling araw sa Barangay San Roque, Quezon City.
Kinilala ang nasawi na si Roberto Sandoval, 50 na nakita sa loob ng kanyang barung-barong.
Batay sa ulat, dakong alas-3:40 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa dalawang palapag na bahay na pag-aari ng isang Soledad Fajardo na matatagpuan sa may 7-G 1st Camarilla St., ng nasabing barangay.
Dahil gawa lamang ito sa kahoy ay madali itong nagliyab hanggang tuluyang lumaki ang apoy at nadamay ang 13 katabing bahay kabilang ang bahay ng nasawi.
Umabot naman sa ikalawang alarma ang sunog, bago tuluyang ideklara itong fireout ganap na alas 5:12 ng umaga.