MANILA, Philippines – Serious but stable- Ito ang kondisyon ngayon ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla matapos magtamo ng tama ng baril noong Sabado.
Ayon sa tagapagsalita ng Pamilya Revilla na si Atty. Raymond Fortun na “Serious po (ang kondisyon) kasi siyempre po ‘pag nabaril po kayo, hindi naman ho pupuwede itong ibalewala. ... Meron po siyang mga internal injuries pero nakausap ko siya, nakita kong lucid siya, coherent, nakakausap, nakakasagot naman sa mga tanong”.
Kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) ng Asian Hospital si Revilla at sa pagkakaalam ni Fortun, nakatakda itong sumailalim sa isang minor surgery para linisin ang tinamaang bahagi ng katawan at makaiwas na rin sa impeksyon.
Tumanggi muna si Fortun na sabihing ‘out of danger’ na ang opisyal. Hintayin na lamang ang assessment ng doktor.
Sa salaysay ni Fortun, batay sa pagkausap niya kay Jolo, alas-9:00 Sabado ng umaga nang dumating siya sa bahay ng kanyang ama at hinihintay ang inang si Rep. Lani Marcado-Revilla para tumulak sa isang lakad.
“Habang naghihintay naisipan niyang linisin ang kanyang government issued na firearm. Ito po’y isang glock .40 na handgun. Nagkamali po talaga siya, hindi niya namalayan habang nililinis niya, nakalabit niya ata yung trigger.
“Sa akin pong pagkakaintindi, hindi yata nasilip na mayro’ng isang bullet na nandu’n pala sa chamber.”
Pumasok anya sa kanang dibdib ng batang Revilla ang bala at lumabas din sa likuran nito.
Naniniwala naman si Fortun na “hindi ho ito parang napaka-unusual or extraordinary. It really happens na mayroong ganitong klaseng sakuna at hindi naman talaga ito sinasadya.
Ayon pa kay Fortun, hindi naman niya napansing naging malungkot o depressed ang bise gobernador.
Ito’y kasunod ng pahayag ni Lolit Solis, talent manager ni Lani Marcado, na dumadanas ng depression ang batang Revilla dahil sa sinapit ng amang nakadetine sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.
Batid anyang malapit si Jolo sa kanyang ama at posibleng apektado ito sa akusasyon laban sa amang senador pero usaping legal at pulitika ito na inaaksyunan na ng panig ng Revilla.
Wala rin umanong tangkang mag-suicide si Jolo na nagsabi kay Fortun na nagkamali ito sa paglilinis ng baril na hindi niya nasuri kung wala ng bala.
Sa Facebook account ng ina ni Jolo na si Lani, isasailalim sa operasyon ang anak dakong alas-2:00 ng hapon dahil sa pagdurugo sa dibdib nito.
Isang tubo umano ang ipapasok upang sipsipin ang dugo palabas sa katawan ng pasyente.