OLONGAPO CITY, Philippines – Nagtakda na ang Regional Trial Court sa Lungsod na ito ng unang pagdinig sa kasong pagpatay sa Filipino transgender na si Jennifer Laude ng Amerikanong si Lance Corporal Joseph Scot Pemberton sa darating na ika-23 ng Marso.
Matapos ang pre-trial conference na nagsagawa ng pagsusuri ng mga dokumento at pagkilala sa mga saksi, inihayag ni Olongapo City RTC Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabalde na pormal nang magsisimula ang pagdinig sa kaso simula sa darating na Marso 23.
Si Pemberton ay unang hindi nagbigay ng kanyang plead noong arraignment nito noong Pebrero 23, kaya ang korte na ang naghain ng “not guilty plead”.
Sa pagsisimula ng pagdinig sa kaso sa Marso 23, inaasahang magkakaroon ng hatol sa buwan ng Setyembre ng taong ito.
Sinampahan ng kasong murder si Pemberton makaraang matagpuang patay ang kasama nitong si Laude sa loob ng Ambyanz Hotel sa Olongapo City noong Oktubre 1 ng nakaraang taon.