MANILA, Philippines - Umaabot na sa 22-katao ang nasawi kabilang ang 20 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang 46 pa ang nasugatan sa ikatlong araw ng inilunsad na all out offensive ng tropa ng militar laban sa mga bandido sa lalawigan ng Sulu, ayon sa mga opisyal ng militar kahapon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col. Harold Cabunoc, muling nakasagupa ng tropa ng Joint Task Group Sulu sa ilalim ng superbisyon ni Col. Alan Arrojado ang nasa 300 bandido sa Brgy. Buhanginan, Patikul, Sulu dakong alas-12:15 ng tanghali nitong Biyernes.
Pito naman sa tropa ng gobyerno ang nasugatan. Nabatid pa na tatlong Jemaah Islamiyah (JI) terrorist ang kinakanlong ng ASG sa Sulu at dalawa naman sa kanugnog na lalawigan ng Basilan.
Nitong Miyerkules hanggang Huwebes ay dalawang sundalo at 14 bandido na ang napaslang.
Samantalang 19 naman ang nasugatan sa panig ng ASG at 16 mula sa tropa ng mga sundalo. Sa kabuuan, sa ikatlong araw ng opensiba ay tumaas na sa 22 ang nasawi at 46 pa ang nasugatan.