MANILA, Philippines - Nagbanta ang oposisyon sa Kamara na i-aakyat sa United Nations (UN) ang usapin sa isyu ng malagim na engkwentro sa Mamasapano Maguindanao kung saan nasawi ang 44 miyembro ng SAF.
Sinabi nina Abakada partylist Rep. Jonathan dela Cruz at Buhay partylist Lito Atienza, na pinagiisipan na nila ito dahil wala namang malinaw na pinupuntahan ang kaliwa’t kanang imbestigasyon sa insidente ng ehekutibo, Philippine National Police at Senado.
Nilinaw pa ng mga kongresista na hanggang maaari ay ayaw nilang i-internationalize ang naturang isyu subalit masyado na umano itong kumplikado.
Pinayuhan naman na may halong patutsada ni Dela Cruz ang Malakanyang at sinabing dapat palitan na ang scriptwriter nito dahil palpak ang trabaho sa paiba-ibang linya ng palasyo kaugnay sa Mamasapano incident.
Giit pa ng mga kongresista, nakaka-tatlong script na umano ang Malakanyang subalit nagkakabuhol-buhol at nagkakasabit-sabit pa rin si Pangulong Aquino.