MANILA, Philippines - Kilala na ng Department of Justice at National Bureau of Investigation ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na dawit sa Mamasapano incident noong Enero 25 na ikinamatay ng SAF 44.
Ipinaliwanag ni Atty. Juan Pedro Navera, maraming mga residente at mga testigo na ang kanilang nakausap at nakuhanan na rin ng salaysay at ilang ebidenisya na makakatulong sa imbestigasyon.
Samantala, lumiham din si Justice Secretary Leila de Lima sa liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang makakuha ng kopya ng resulta ng imbestigasyon na ginawa ng mga ito hinggil din dito. Plano rin nito na makipagdayalogo sa mga lider ng nasabing grupo.
Nabatid na ngayong araw ay mismong si De Lima kasama si NBI Director Virgilio Mendez ang personal na pumunta sa Mindanao upang pangasiwaan ang isinasagawang imbestigasyon.
Kahapon ay una ng nagkaroon ng ocular inspection ang grupo sa clash site sa Brgy. Tukanalipao na pinangunahan ni Atty. Juan Pedro Navera, assistant state prosecutor upang lumikom ng mga testimonya at ebidensiya mula sa mga residente na makakatulong sa kanilang gagawing case build up laban sa mga responsable sa trahedyang nangyari.