MANILA, Philippines - Pinakakasuhan ng Department of Justice (DOJ) ang maybahay ng pinatay na car racer na si Enzo Pastor.
Sa 13-pahinang resolusyon ng panel of prosecutors, nakakita ng probable cause para kasuhan ng parricide si Dahlia Guererro Pastor at murder naman sa negosyanteng si Domingo “Sandy” De Guzman na sinasabing karelasyon ng una.
Una nang kinasuhan ng DOJ ng murder sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang gunman na si PO2 Edgar Angel.
Matatandaan na Hunyo 12, 2014 nang pagbabarilin si Enzo at assistant nitong si Paolo Salazar habang patungong Clark para sa final leg ng kompetisyon ng Asian V-8 Championship ng riding in tandem sa panulukan ng Visayas at Congressional Avenue sa Quezon City.
Sa pahayag ni Salazar, nakahinto sila nang lapitan sila ng mga suspek at paputukan ng ilang beses si Enzo.
Ang pulis naman na si PO2 Angel ay nangumpisal na siya ang gunman sa utos ni De Guzman.
Sinasabi namang may relasyon sina De Guzman at Dahlia kaya lumilitaw na “love triangle” ang motibo ng pamamaslang.