MANILA, Philippines - Simula sa darating na Lunes (Marso 2) ay may pagbabagong ipatutupad na traffic scheme sa loob ng Intramuros, Maynila.
Sa inilabas na advisory ng Intramuros Administration, gagawing one-way na lang ang General Luna St. at Arzobispo St. habang dalawang lane na lang ang ipagagamit sa Andres Soriano Avenue.
Ang mga sasakyang manggagaling sa Andres Soriano Ave., ay hindi na makakadiretso sa Muralla St., at sa halip ay dapat nang kumaliwa sa ibang kalye.
Hindi na rin padadaanan sa sasakyan ang Sto. Tomas St. mula sa gilid ng Manila Cathedral hanggang sa Plaza Sto. Tomas at hindi na rin papayagan ang pagparada ng mga sasakyan sa Plaza Roma at sa gilid ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Layunin ng bagong traffic scheme ay mapangalagaan ang mga makasaysayang mga kalsada at gusali sa loob ng Intramuros upang makahimok ng mga lokal at dayuhang turista na maglakad sa paglilibot sa walled city.- Ludy Bermudo-