MANILA, Philippines - Pagbotohan muna ng mayorya ng mambabatas kung dapat na muling buksan ang pagdinig sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito ang kahilingan ni Buhay partylist Lito Atienza, sa mayorya ng Kamara na pagbotohan muna ang nasabing isyu at sakaling payag umano ang mayorya na muling buksan ang pagdinig ay saka lamang dapat muling simulan ang hearing.
Anya, hindi maatim ng kanyang konsensya na ituloy ang usaping pangkapayapaan sa grupong MILF gayung ang mga ito ang pumatay sa SAF 44 na nagsasagawa ng lehitimong operasyon.
Samantala, tiniyak ng liderato ng Kamara na dadaan sa overhaul ang Bangsamoro Basic Law (BBL) bago ito tuluyang mapagtibay.
Ayon kay House Majority leader Neptali Gonzales, hindi nila susundin ang orihinal na bersyon ng BBL sa kabila ng sinasabi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na hindi nila tatanggapin ang amended version ng nasabing panukalang batas.
Hindi anya, maaaring masunod ang kagustuhan dito ng MILF dahil dumaan sa legislative mill ang panukala kaya natural na magkaroon ng pagbabago.
Tumanggi naman mas malabnaw na bersyon ang ipapasang BBL bagamat marami ang mababago dito lalo na ng mabasag umano ang tiwala ng maraming mambabatas dahil sa Mamasapano encounter.- Gemma Garcia-