MANILA, Philippines - Matapos ang ilang oras na paglibing sa isa nilang kaanak ay nag-amok ang isang ama at tatlo nitong anak nang mamaril ang mga ito na ikinasawi ng limang katao kabilang ang isang 3-anyos na batang babae kamakalawa ng gabi sa Agoo, La Union.
Ang mga nasawi noon din ay kinilalang sina Gilbert Cecilio, 41; Gil Cabilitazan, 58; Reynaldo Refuerzo, 30; Mary Anne Refuerzo, 3; at Zosimo Fontanilla.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Gilmar Cabilitazan, 28; Rodel Refuerzo, 34; at Benjie Tabunia.
Nadakip sa isinagawang follow-up operations dakong alas-11:50 ng umaga ang isa sa mga suspek na si Demetrio Gayo. Habang pinaghahanap pa ang tatlo nitong anak na lalaki na sina Noel, Oscar at Ferdinand.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen sa Brgy. Capas ng bayang ito ay dumalo ang mga biktima at mga suspek sa libing ng kanilang lola.
Nang matapos ang libing ay nag-iinuman ang mga biktima at ang mga suspek na magkahiwalay na mesa sa naturang lugar.
Matapos na malasing ang mga suspek ay bigla na lamang nag-amok si Demetrio na naghamon ng away na sinegundahan ng tatlo nitong anak na lalaki.
Ilang sandali ay biglang nagbunot ng baril ang mga suspek at pinagbabaril ang mga biktima na kung saan ay natamaan ang 3-anyos na batang babae at agad na tumakas ang mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon na alitan sa lupa ang motibo ng krimen.