MANILA, Philippines - Nakubkob ng military ang dalawang malalaking kampo ng New People’s Army (NPA) sa magkakahiwalay na bakbakan sa Brgy. Padiay, Sibagat, Agusan del Sur kamakalawa.
Ayon kay Major Christian Uy, Spokesman ng Army’s 4th Infantry Division (ID), dakong alas -12:50 ng hapon nang makasagupa ng tropa ng Army’s 26th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni 2nd Lt. Bryan Villena ang grupo ng mga rebelde sa nasabing lugar.
Tumagal ang bakbakan ng sampung minuto hanggang sa magsitakas ang mga rebelde na inabandona ang kanilang kampo at ilang bala ng AK 47 rifle.
Bandang alas-3:10 ng hapon naman ng sumunod na makasagupa ng 2nd Scout Ranger Battalion sa pamumuno ni Captain Romeo Ferdinand Bautista ang may 30 rebeldeng NPA.
Sinabi ni Uy na ang bakbakan ay tumagal ng 40 minuto hanggang sa mapilitan ang mga rebelde na magsitakas na inabandona ang kanilang kampo sa takot na masukol ng tropa ng militar.
Narekober sa bakbakan ang apat na Improvised Explosive Devices (IEDs) at iba pang war paraphernalia. Ang nasabing kampo ng mga rebelde ay maaaring pagkasyahan ng may 50 katao.
“We are now fighting the NPA’s in their strongholds and we will continue to hunt to prevent them from harming our fellow Filipinos”, ang sabi naman ni Army’s 4th ID Commander Major Gen. Oscar Lactao.