MANILA, Philippines - Inilantad sa pagdinig ng Senado ang mga larawan na nagpapakita ng diumano’y mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasama ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa isang training camp sa Sulu.
Ang mga larawan ay ipinadala ni Sulu Vice Governor Abdusakur Tan sa tanggapan ni Senator Grace Poe bilang patunay na nagkakaroon ng training at recruitment ang MILF sa Panglima Estino, Sulu.
Sa sulat ni Tan kay Poe, chairman Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi nito na nakakabahala para sa mga ordinaryong mamamayan ang mga high-powered firearms na makikita sa mga litrato.
Aniya, dapat na imbestigahan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang nasabing alegasyon na training ng MILF at ASG dahil labag ito sa ceasefire na umiiral sa pagitan ng gobyerno at ng MILF.
Ayon naman kay Government Peace Panel Chair Miriam Coronel Ferrer, bina-validate pa ng gobyerno ang nasabing mga larawan.
Ipinaliwanag nito na ang mga larawan ay may kinalaman din sa pulitika sa Sulu lalo at ibang klase umano ang pulitika sa nasabing lugar.
Ayon naman kay MILF negotiating chairman Mohagher Iqbal, hindi niya maaaring kumpirmahin ang authenticity ng mga larawan na una umanong lumabas sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong nakaraang buwan bagaman at hindi pa kinikilala kung sinu-sino ang mga nasa larawan.
Ang ipinapakita lamang umano sa mga larawan ay ang recruitment ng MILF sa Sulu pero hindi nangangahulugan na mga Abu Sayyaf ang mga ito.
Sa mga larawan may mga text na tumutukoy sa ilang personalidad katulad ng “MILF member and mostly ASG,” at nakasaad ang petsa mula Enero 01, 2015. Lugar-CAMP AKBAR, DEMO FARM. Barangay Punay, Municipality of Panglima Estino, Sulu.”