MANILA, Philippines – Isang pawnshop na nasa loob ng mall ang inatake ng mga kalalakihan na mga miyembro ng “Martilyo gang” kamakalawa sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Batay sa ulat ni Inspector Dahlan Samuddin, Spokesman ng Police Regional Office (PRO)9, dakong ala-1:40 ng hapon nang maganap ang panloloob sa MLhuiller Pawnshop sa loob ng Gaisano Capital Mall na matatagpuan sa San Pedro District.
Sinabi ni Samuddin, limang armadong holdaper ang pumasok sa nasabing pawnshop na nagpanggap na mga kustomer.
Nang makapasok sa pawnshop ay agad nilang binasag gamit ang martilyo ang salamin na pinaglalagyan ng mga alahas dito.
Hindi nakapalag ang mga empleyado ng pawnshop nang tutukan ng baril ng mga suspek na agad kinulimbat ang mga alahas at kinitang pera.
Paglabas ng pintuan ng mall ay nakabarilan ng mga suspek ang mga security guard na ikinasugat ng isa sa mga suspek at ng isang abogado na tinukoy lamang sa apelyidong Travero.
Mabilis na tumakas lulan ng tatlong motorsiklo na nakaparada sa parking area ng mall ang mga suspek.