MANILA, Philippines - Dalawang insidente ng pamamaril ang naganap kamakalawa at kahapon ng madaling araw na ikinasawi ng dalawang babae kabilang ang isang 14-anyos na dalagita sa magkahiwalay na lugar sa Port Area at Tondo, Maynila.
Ang unang nasawi ay kinilalang si Marilou De Asis, 14, out-of-school youth, ng no. 024 Block 1, Aplaya, Baseco, Port Area, Maynila na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo.
Batay sa ulat, dakong alas-9:15 ng gabi nang barilin si De Asis ng hindi pa kilalang lalaki sa eskinita ng Blk. 1, Dubai St., Baseco.
Ayon sa magulang ng biktima na mangangalakal ng basura na matigas ang ulo ng kanilang anak at napabayaan nila itong mapabarkada sa mga solvent boy sa kanilang lugar.
Binaril din at napatay kahapon ng alas-12:50 ng madaling araw sa Infanta Bridge, Velasquez St.,Tondo ang isa hindi pa kilalang babae na inilarawan na nasa pagitan ng edad na 30-35, may taas na 5’2”, nakasuot ng kulay berdeng t-shirt, asul na shorts at asul na sandals.
Sa salaysay ng mga kalalakihan na nag-iinuman na nakarinig sila ng mga putok ng baril kaya’t agad nila itong pinuntahan at nakita ang biktima na bumagsak sa kalye habang ang suspek ay nagtatakbo paakyat sa tulay.