MANILA, Philippines - Nalitson ng buhay ang tatlong kababaihan nang masunog ang isang lumang transient house sa Makati City kahapon ng madaling araw.
Halos hindi na makilala ang mga biktima at isa sa mga ito ay may nakatakdang kidney operation, samantala ang isa naman ay kidney donor, na kinilala lamang sa pangalang Elvie. Sa ngayon ay inaalam pa ang tunay na pagkakakilanlan ng mga ito.
Sa kabila na sinasabi ng may-ari ng transient house na si Isabelita Tiangco, 71, na pawang mga babae ang mga biktima ay isasailalim pa rin ang mga ito sa awtopsiya.
Napag-alaman na may tatlo pang nangungupahan na nasugatan at isinugod sa isang ospital. Wala namang ibang bahay na nadamay sa sunog.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, naganap ang insidente alas-2:17 ng madaling araw sa dalawang palapag na lumang transient house na matatagpuan sa #7562 panulukan ng Santillan at Dela Rosa Sts., Barangay Pio Del Pilar ng nasabing lungsod.
Bigla na lang umanong sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng naturang transient house na okupado ng mga biktima.
Ayon kay Tiangco, natutulog siya sa kanyang bahay na nasa tapat ng nasabing transient house at nagising lamang siya nang malaman niyang nasusunog ito.
Masusi namang iimbestigahan ng Makati City
Central Fire ang dahilan nang sunog at magkano ang napinsala. Alas-3:37 ng madaling araw ng idineklarang fire-out ang insidente.