Misis binoga ng selosong mister

MANILA, Philippines - Natapos ang buhay ng isang misis sa isang tama ng bala nang barilin ito ng selosong mister makaraan ang mainitang pagtatalo sa  loob ng kanilang tahanan sa Kaumpurnah 2, Isabela City, Basilan nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa ulat ng Isabela City Police, dead-on-arrival sa ospital ang biktima na si Nawada Onggo, nasa hustong gulang at residente sa nasabing lugar.

Nahaharap naman sa kasong parricide ang suspek na kinilalang si  Sakib Mabisa na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Sa imbestigasyon, dakong alas-2:30 ng madaling-araw ng magtalo ang mag-asawa bunga ng pagseselos ng nasabing mister sa kaniyang misis na hinihinala nitong nagpapa-charming sa ibang lalaki dahilan lagi umanong nakapustura sa tuwing aalis ng kanilang tahanan.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo ay biglang hinagip ng nasabing mister ang kaniyang armas at ipinutok sa misis nito na duguang bumulagta sa insidente.

Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang kasong ito.

Show comments