MANILA, Philippines - Sa pagsusuri ng mga otoridad sa 16 baril na pag-aari ng namatay na SAF 44 na isinoli kamakalawa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay nabatid na ito ay tsinap-chop matapos na tanggalan ng mga sophisticated gadgets.
Sa pagprisinta kahapon sa media ng mga opisyal ng pulisya sa 16 isinoling mga baril ng MILF ang ika-17 baril ay dulo na lamang ng assault rifle.
Kinuwestiyon ni PNP Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina ang kondisyon ng mga isinoling mga armas dahil kulang kulang na ang mga bahagi nito kung saan isa rito ay kalahati o dulo na lamang sa halip na buo nilang nabawi.
“We will double check yung mga serial numbers, completeness of parts dito sa mga baril na ito etc, katulad ng isang yun, bakit kalahati yun, titingnan natin, dapat buo kasi buo nilang nakuha eh”, ani Espina.
Isasailalim pa sa assessment at ebalwasyon ng mga technical experts ng PNP ang mga nabawing mga armas para malaman kung anong parte nito ang nawawala na kinahoy ng MILF.
Ayon naman sa isang opisyal ng PNP na tumangging magpabanggit ng pangalan, kuwestiyonable na ang kondisyon ng isinoling mga armas dahilan nawawala na ang mga ‘sophisticated gadgets’ nito na ang bawat isang armas ay aabot sa P80,000 hanggang P100,000 ang halaga.
Lumilitaw na tinanggal sa rail system ng mga ibinalik na armas ay optical sights, laser designators, aiming device at tactical lights.
Aabot sa 60-64 mga armas ang tinangay ng mga kalaban matapos makabakbakan ng SAF commandos ang MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa inilunsad na Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 para arestuhin sina Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir at Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman.
Kabilang sa mga nawawalang mga armas ay 33 Ferfrans/rockriver assault rifles, 4 savage sniper rifles, 4 crew–served weapons (M60 machine guns), 10 Ferfrans M203 grenade launchers, isang 90 MM recoiless rifle, 11 maiikling mga armas, 8 Glock handguns, 2 Beretta handguns at isang CZ.
Anya, kung sinasabi ng BIFF na sampu ang hawak nilang mga armas ay nasa 38 pang nawawala na kailangang maibalik sa PNP.