MANILA, Philippines - Naitala na naman ang panibagong aberya sa biyahe ng MRT kahapon.
Ito ang sinabi ni MRT-3 General Manager Roman Buenafe nang muling nagkaroon ng aberya ng alas-5:50 ng umaga kahapon makaraang magpahinto-hinto ang power supply sa isang tren ng MRT sa Taft Avenue Station.
Dahil sa nangyari ay napilitan ang operator na ibalik na lamang sa kanilang depo o garahe sa Nort Avenue ang tren na nagkaroon ng ‘power failure’.
Ayon pa kay Buanafe, hindi na normal ang operasyon ngayon ng MRT dahil 12 tren na lamang ang nakakabiyahe araw-araw sa halip na 18 tren na nakasaad ng kontrata mula sa maintenance provider nito na Global APT.
Sinabi pa ni Buanafe na araw-araw din nilang pinapatawan ng penalty o multa ang Global APT dahil hindi nito nasusunod ang nakasaad sa pinirmahang kontrata mula sa Department of Transportation and Communication.
Magugunita na kamakalawa ay tatlong beses na nagkaaberya ang biyahe ng MRT nang biglang huminto ito dahil sa nanikit na preno ng tren at noong Lunes ay apat na beses itong nagkaaberya.- Mer Layson-