MANILA, Philippines - Nabahiran ng krimen ang masayang piyesta matapos na pagbabarilin ng isang sundalo ang isang 16-anyos na binatilyo kamakalawa sa Taytay, Palawan.
Ang nasawi ay kinilalang si Enrique “Chitoy” Mendez, residente ng Brgy. Calawag sa nasabing bayan.
Nakilala naman ang suspek na si Staff Sergeant Alchier Mansing ng 44th Marine Company ng Marine Battalion Landing Tea (MBLT) 4 at residente ng Zamboanga na kabilang sa contingent mula sa Paglaum detachment na ipinadala sa lugar para sa selebrasyon ng kapiyestahan ng Iglesia Filipina Independiente.
Batay sa ulat, dakong alas-10:00 ng umaga ay dumating sa piyesta ang suspek na hindi naka-duty ng mga oras na iyon.
Ilang sandali ay may tatlong kalalakihan kabilang ang biktima sa lugar at ipinakita sa suspek ang isang plastic sachet ng shabu.
Inagaw umano ng suspek ang nasabing plastic sachet ng shabu sa tatlo hanggang sa magpambuno ang mga ito na kung saan ay nagbunot ito ng baril at pinaputukan ang biktima.
Nang bumagsak ang biktima ay mabilis na tumakas ang dalawa nitong kasama habang ang suspek ay boluntaryong sumuko sa kanyang hepe.- Joy Cantos-