MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 23-anyos na dalaga matapos na ito ay saksakin ng hindi pa kilalang lalaki na tangkang manghalay dito sa loob ng kanilang bahay sa Sta. Mesa, Maynila kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay kinilalang si Ara Villaruel, service crew ng KFC Restaurant at residente ng no. 3113 Reposo St., Sta. Mesa, Maynila.
Inilarawan ng testigo ang suspek na nasa 5’2” hanggang 5’4” ang taas, medium built, nasa 26-30 ang edad, nakasuot ng t-shirt na puti at checkered shortpants.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bago nangyari ang krimen dakong alas-3:40 ng madaling araw ay narinig ng kapatid ng biktima na si Erica, 20 na natutulog sa itaas ng inuupahang apartment ang komosyon sa ibaba kung saan natutulog sa sofa ang biktima.
Kaya’t dali-dali itong bumaba at nakita ang suspek nagmamadaling tumakas habang ang kapatid ay duguang nakahandusay sa lapag at naghahabol ng hininga.
Tumawag ito sa pulisya at rumesponde ang Mobile no. 301 ng MPD-Station 8 na nagsugod sa biktima sa Our Lady of Lourdes Hospital.
Bandang alas-4:19 ng madaling araw nang malagutan ng hininga ang biktima habang nilalapatan ng lunas.
Lumalabas sa imbestigasyon, na sinira ng suspek ang jalousie ng bintana at doon idinaan ang kamay para madukot ang lock sa door knob.
Malaki ang hinala na tulog na tulog ang biktima at nagulat ito nang daganan ng suspek para siya ay gahasain.
Nanlaban ito na posibleng ikinagalit ng suspek kung kaya’t sinaksak ng tatlong beses sa katawan na ang isa ay tumama sa ari nito.